-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero na hindi nakalista sa 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte ang isang P6-milyong ari-arian sa Matina, Davao City na nakuha umano niya noong Hulyo 2024.

Ayon kay Escudero, lumabas sa testimonya ni Davao City Register of Deeds IV Atty. Kathy Florence Baldonado na nakuha ni Duterte ang 379-square-meter na lupa noong Hulyo 2, 2024.

Sinabi ni Escudero na tinanggap bilang ebidensya ng impeachment court ang mga SALN ni Duterte matapos itong kilalanin at isumite nang may panunumpa ng magkabilang panig. Sa pagsusuri ng korte, hindi umano nakita ang naturang property sa listahan ng real estate na idineklara sa 2025 SALN.

Inihaharap ngayon ng House prosecution panel ang mga ebidensya para sa Article II ng impeachment complaint, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth, kabilang ang umano’y hindi kumpletong deklarasyon ng ari-arian sa SALN at isyu sa divestment sa ilang negosyo.

Wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Vice President Duterte bilang tugon sa pahayag ni Escudero.