-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Tinatayang nasa 40 indibidwal na ang naaresto ng mga awtoridad sa South Cotabato at Sultan Kudarat kaugnay ng umano’y pagpapakalat ng mga banta sa social media.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kinumpirma ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. na may ilan sa mga naaresto ang nakulong, habang ang ilang menor de edad ay itinurn-over sa Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa kaukulang intervention.

Patuloy naman ang koordinasyon ng lokal at provincial government, pulisya, at iba pang concerned agencies upang matukoy ang mga nasa likod ng mga umano’y online threats at mapigilan ang pagkalat ng mga mensaheng nagdudulot ng pangamba sa publiko, partikular sa mga paaralan.

Minomonitor din ng mga awtoridad ang mga umano’y pekeng social media account na maaaring ginagamit sa pagpapakalat ng mga banta at iba pang mapanganib o mapanlinlang na impormasyon.

Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan, motibo, at posibleng pananagutan ng mga nasa likod ng mga naturang banta.