Personal na bumisita si Vice President Sara Duterte sa mga pamilya ng mga biktima ng shooting incident sa Banga National High School upang magpaabot ng pakikiramay at suporta.
Sa kanyang naging pahayag, binigyang-diin ng bise presidente ang kahalagahan ng pagkakaroon ng culture of security sa mga paaralan, kabilang ang mas maayos na information-gathering upang agad matukoy ang mga sitwasyong maaaring maglagay sa panganib sa mga estudyante.
Iginiit din niya ang pangangailangan para sa mga guro at school personnel na maaaring lapitan ng mga mag-aaral para sa tulong, gabay at agarang pag-uulat ng kanilang mga alalahanin.
Samantala, hiwalay na bumisita si DILG Secretary Jonvic Remulla sa Banga National High School upang talakayin ang mga hakbang para maiwasan ang pag-uulit ng naturang insidente.
Ayon kay Remulla, kabilang sa tinututukan ng mga awtoridad ang posibleng impluwensya ng isang online community na may kaugnayan sa violent activities. Iminungkahi rin niya ang mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng social media ng mga kabataang edad 16 pababa, pati na sa pagmamay-ari at ligtas na pagtatago ng mga baril.













