BANGA, SOUTH COTABATO — Nangako ng assistance si House Senior Deputy Speaker Dinand Hernandez sa mga biktima at pamilyang naapektuhan ng shooting incident sa Banga National High School sa South Cotabato.
Sa panayam sa Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Hernandez na inutusan na niya ang kanyang staff upang tulungan ang mga biktimang nasa ospital.
Plano rin niyang umuwi sa Mindanao kasama si Education Secretary Sonny Angara upang makipagkita sa mga opisyal ng South Cotabato at bisitahin ang paaralan at mga pamilya ng mga biktima.
Binigyang-diin ni Hernandez ang pagpapalakas ng seguridad sa mga pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang mas matibay na mental health support para sa mga kabataan.
Hinimok din niya ang publiko na huwag magpakalat ng hindi pa kumpirmadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Samantala, batay sa 8:00 PM update nitong Biyernes, tatlong injured students ang nakauwi na—dalawa mula sa South Cotabato Provincial Hospital at isa mula sa SOCCSKSARGEN General Hospital.
Tatlo pa ang isinangguni sa ibang ospital: isa sa Cotabato Regional Medical Center at dalawa sa Socomedics Hospital sa Koronadal City. Isa pang injured student ang patuloy na ginagamot sa Pingoy Hospital.
Kaugnay naman ng imbestigasyon, napag-alamang ang 9mm double-column pistol na ginamit sa insidente ay umano’y pag-aari ng ama ng estudyanteng itinuturong suspek.
Ayon kay Banga Mayor Albert Palencia, empleyado umano ng DepEd Region 12 ang ama at nagtuturo rin umano ito ng gun safety.
Nakatago umano ang baril sa loob ng isang vault, ngunit sinira umano ito ng estudyante upang makuha ang armas.
Nasa General Santos City umano ang ama nang mangyari ang insidente.
Patuloy naman ang koordinasyon ng tanggapan ni Hernandez, lokal na pamahalaan at DepEd para sa psychological intervention at iba pang suporta sa mga naapektuhan.













