-- ADVERTISEMENT --

BANGA, SOUTH COTABATO — Personal na binisita ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang mga biktima ng insidente ng pamamaril sa Banga National High School upang personal na ma-check at kumustahin ang kanilang kalagayan.


Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, inamin ni Secretary Angara na sa kasalukuyan, hindi handa ang ahensya sa mga seryosong insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan.

Ayon sa kanya, hindi sakop ng pondo ng edukasyon ang pagpapalawak ng mga pasilidad para sa seguridad tulad ng pagpapatayo ng mga pader o perimeter fence.


Gayunpaman, ipinaliwanag ng kalihim na mayroon nang inilaang pondo para sa pagbili ng mga metal detector sa bawat paaralan bilang bahagi ng mga hakbang upang maiwasan ang mga katulad na insidente.


Idinagdag pa ni Angara na kailangan ding tutukan at i-monitor ang mental health ng mga estudyante, na kadalasang pinagmumulan ng mga karahasan sa kampus.

Dahil dito, nanawagan si Secretary Angara sa publiko, mga awtoridad, paaralan, at mga magulang na magtulungan upang matigil ang mga karahasan at maprotektahan ang mga kabataan.


Bilang pagpapatibay ng suporta sa pamilya ng mga biktima, tiniyak ni Angara na magbibigay ang departamento ng tulong-pinansyal at ng kinakailangang psychological at psychosocial support para sa kanilang naranasang trauma.