Isinumite na ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court o ICC ang listahan ng mga witness at ebidensya sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nasa isang confidential na tatlong-pahinang dokumento ang naturang listahan na inihain sa Trial Chamber III, alinsunod sa Regulation 23bis ng Regulations of the Court dahil naglalaman ito ng sensitibong impormasyon tungkol sa mga witness.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay sa madugong kampanya kontra ilegal na droga noong kaniyang termino bilang pangulo.
Batay sa datos ng gobyerno, nasa mahigit 6,000 ang nasawi sa operasyon kontra droga, habang mas mataas naman ang bilang na tinatayang ng mga human rights group.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa dating pangulo sa Nobyembre 2026.












