Naging sentro ng pagdinig sa impeachment trial ang timeline ng kahilingan ng Office of the Vice President (OVP) para sa P250 milyong confidential funds, batay sa testimonya ng matagal nang aide ni Vice President Sara Duterte na si Lemuel Ortonio.
Ayon sa House prosecution panel, walang confidential funds ang OVP nang maupo si Duterte noong Hulyo 2022. Makalipas ang ilang linggo, noong Agosto 22, humiling ang tanggapan ng P250 milyon sa Department of Budget and Management (DBM).
Gayunman, sinabi ni Ortonio na walang kalakip na computation o plano kung paano gagamitin ang hinihinging pondo.
Noong Setyembre 15 lamang umano humingi ang DBM ng supporting plan. Kinabukasan, Setyembre 16, ginawa at inaprubahan ang naturang plano.
Para sa prosecution, mahalaga ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari dahil lumilitaw umanong nauna ang request para sa P250 milyon bago ang konkretong plano sa paggamit ng pondo.
Sa kalaunan, P125 milyon ang aktuwal na inilabas sa OVP noong Disyembre 2022. Ayon sa mga inilahad sa pagdinig, naubos ang buong halaga sa loob lamang ng 11 araw.
Dahil dito, kinuwestiyon ng prosecution kung ano ang naging batayan ng orihinal na P250 milyong request at kung mayroon nang malinaw na operational plan ang OVP bago pa man hilingin ang pondo.













