-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa mahigit P49.7 milyon ang tinatayang halaga ng hinihinalang ilegal na droga at marijuana na nasamsam at nasira ng Philippine National Police (PNP) sa magkakahiwalay na operasyon sa Iloilo, Lanao del Sur at Kalinga.

Sa Iloilo City, dalawang suspek ang naaresto matapos makuhanan ng humigit-kumulang 160 gramo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng higit P1 milyon.

Samantala, sa Lanao del Sur, nakarekober ang mga awtoridad ng nasa 300 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P2 milyon. Nauwi naman sa pagkasawi ng isang armadong suspek ang isinagawang anti-drug operation.

Sa Tinglayan, Kalinga, winasak ng mga operatiba ang mahigit 156,000 fully grown marijuana plants at nasa 100 kilo ng dried marijuana leaves, na may kabuuang tinatayang halaga na P43.2 milyon.

Sa isa pang operasyon sa Kalinga, nasira rin ang humigit-kumulang 17,000 marijuana plants na may street value na tinatayang P3.4 milyon.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga. Tiniyak din niyang isinasagawa ng mga awtoridad ang kanilang mga operasyon alinsunod sa batas at wastong proseso.