KORONADAL CITY – Nauwi sa madugong kamatayan ang masaya sanang inuman ng magkapatid matapos pagbabarilin ng sarili niyang nakatatandang kapatid ang isang 22-anyos na poultry farmer kagabi, Agosto 21, sa Koronadal City.
Kinilala ng Koronadal City PNP ang biktima na si Jimmy Montaño Lego, residente ng Purok Mabinuligon, Barangay Topland, Koronadal City.
Mabilis namang nadakip sa ikinasang operasyon at kasalukuyan nang nakapiit sa custodial facility ng lokal na pulisya ang suspek na si Vicente Montaño Lego, 32-anyos, na kuya mismo ng biktima.
Naganap ang krimen bandang alas-8:10 ng gabi sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nag-iinuman ang magkapatid nang biglang sumiklab ang isang mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa.
Humantong ang komprontasyon sa pagbunot ng baril ng suspek at sunod-sunod na pinaputukan ang kanyang nakababatang kapatid.
Agad na binawian ng buhay si Jimmy matapos magtamo ng mga nakamamatay na sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sa pagresponde ng mga tauhan ng Korona 102 sa pamumuno ni Police Corporal Camayodo, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo at dalawa pang buong bala na pinaniniwalaang mula sa isang kalibre .45 na baril.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang malalim na motibo at ang pinag-ugatan ng matinding galit ng magkapatid na humantong sa krimen.












