-- ADVERTISEMENT --

Muling pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na tiyaking ligtas at hindi basta naaabot ng ibang tao, lalo na ng mga bata, ang kanilang service firearms kapag nasa bahay at hindi naka-duty.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahalagang maging responsable ang mga pulis sa pag-iingat ng kanilang mga baril upang maiwasan ang aksidente at paggamit nito ng mga hindi awtorisadong tao.

Kasunod ito ng dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa mga paaralan nitong mga nakaraang buwan. Noong Hunyo, tatlong estudyante ang nasawi sa school shooting sa Tacloban City. Nitong linggo naman, dalawang estudyante, kabilang ang sinasabing gunman, ang namatay sa insidente sa Ateneo de Zamboanga University.

Sa parehong insidente, iniulat na ginamit ng mga menor de edad ang service-issued firearms na kinuha mula sa kanilang mga magulang o kamag-anak.

Dahil dito, inatasan ng PNP ang mga police commander na regular na ipaalala sa kanilang mga tauhan ang wastong pag-iimbak at pananagutan sa paghawak ng baril sa mga unit briefing at formation.

Maglalaan din ang PNP ng mga tauhan at kagamitan para sa nationwide school safety drills ng Department of Education na nakatakda sa Agosto 25.