-- ADVERTISEMENT --

Dalawampu’t limang gasolinahan sa Luzon ang ipinadlock ng Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos bumagsak sa fuel marking testing ang kanilang mga dispensing pump sa unang tatlong araw ng pinaigting na operasyon kontra oil smuggling at tax evasion.

Sinimulan ang operasyon noong Agosto 17, 2026, katuwang ang Bureau of Customs (BOC) at isang awtorisadong service provider na nagsusuri sa mga sample ng gasolina, krudo at gaas.

Sa kabuuang 65 gasolinahan na sinuri, 25 ang nakitaan ng hindi pagsunod sa paunang testing. Isinailalim sa imbentaryo at pagsaselyo ang mga apektadong produktong petrolyo habang hinihintay ang resulta ng confirmatory testing.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, layunin ng kampanya na matukoy ang posibleng pagtagas sa koleksyon ng buwis at maprotektahan ang mga lehitimong negosyo laban sa hindi patas na kompetisyon sa industriya ng petrolyo.

Kapag nakumpirmang lumabag sa batas, maaaring patawan ang mga establisimyentong sangkot ng karagdagang buwis, multa at iba pang kaukulang legal na parusa.

Nilinaw naman ng BIR na magpapatuloy ang naturang operasyon at planong palawakin ang fuel marking drive sa iba pang bahagi ng bansa.