-- ADVERTISEMENT --

Isinasailalim na ng mga awtoridad sa forensic analysis ang mga kagamitan ng Grade 9 student na umano’y sangkot sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, maaaring umabot ng isa hanggang dalawang araw ang pagsusuri bago makumpleto ang kinakailangang datos at makabuo ng mas malinaw na larawan tungkol sa insidente.

Sinabi ni Remulla na masalimuot ang imbestigasyon kaya kailangang suriin nang mabuti ang lahat ng kagamitan na maaaring magbigay ng impormasyon tungkol sa nangyari.

Inatasan na rin umano niya ang mga pulis na magsagawa ng mas malalim na investigative report, kabilang ang pagsusuri sa mga social media account ng suspek.

Bahagi rin ng imbestigasyon ang pakikipanayam sa mga magulang ng estudyante at serye ng mga interview sa mga school personnel na maaaring may nalalaman tungkol sa insidente.

Sa inisyal na ulat, isang lalaking Grade 10 student ang nasawi sa pamamaril. Iniimbestigahan din ang ulat na isinagawa umano ng suspek ang pagla-livestream ng insidente sa social media.

Patuloy ang forensic examination at iba pang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at buong pangyayari bago at habang nagaganap ang pamamaril.