Kinuwestiyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang ilang lump sum appropriations para sa infrastructure projects na nakita umano sa panukalang P7.2-trillion 2027 national budget.
Ayon kay Lacson, hihingan nila ng malinaw na detalye at paliwanag ang mga naturang alokasyon. Maaari rin itong maungkat sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) briefing na nakatakda sa Agosto 27.
Ipinaliwanag ng senador na ang lump sum appropriation ay pondong inilaan sa isang programa o proyekto nang walang detalyadong breakdown kung saan eksaktong gagastusin ang kabuuang halaga.
Aniya, maaaring maging katanggap-tanggap ang ganitong uri ng alokasyon para sa calamity funds, ngunit nagiging kahina-hinala kapag ginagamit sa mga infrastructure project na dapat ay may malinaw na pagkakalahad ng mga paggagamitan ng pondo.
Bukod dito, sinabi ni Lacson na susuriin din nila ang mga special provision sa panukalang budget upang matukoy kung may mga probisyong maaaring magamit sa pag-abuso sa unprogrammed appropriations.
Samantala, tiniyak ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito na hindi niya papayagan ang anumang budget insertion sa bicameral conference committee kung wala ito sa bersyon ng budget na inaprubahan ng alinman sa Senado o Kamara.













