-- ADVERTISEMENT --

Nagpadala ang Pilipinas ng 40 portable power generators sa Ukraine bilang tulong sa mga komunidad na nakararanas ng epekto ng patuloy na pag-atake sa energy infrastructure ng bansa.

Dumating noong Agosto 12 sa isang Ministry of Energy hub sa Ukraine ang mga Daiden generator na may kapasidad na tig-6 kilowatts. Gagamitin ang mga ito bilang backup power para sa mga sibilyan at mahahalagang pasilidad sa mga komunidad.

Nabuo ang humanitarian initiative matapos ang pagpupulong noong Pebrero nina Ukrainian Ambassador Yuliia Fediv at Senator Erwin Tulfo, na tumulong sa pagsulong ng proyekto.

Ipinagkaloob naman ng Highball Traders Inc. ang mga generator. Mula Pilipinas, ipinadala ang mga ito sa Port of Gdansk sa Poland bago dinala sa Ukraine sa pamamagitan ng rescEU Donations Scheme ng European Union Civil Protection Mechanism, katuwang ang Poland’s Governmental Strategic Reserves Agency.

Inaasahang makatutulong ang mga generator na mapanatili ang suplay ng kuryente sa mahahalagang pasilidad at masuportahan ang pagpapatuloy ng pangunahing serbisyo sa mga apektadong komunidad.