-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang madaragdagan pa ang utang ng Pilipinas sa P21.48 trilyon pagsapit ng pagtatapos ng 2027, mas mataas sa projected na P19.76 trilyon ngayong 2026, ayon sa mga dokumento ng Budget and Expenditures and Sources of Financing.

Batay naman sa pinakahuling datos, nasa P19.065 trilyon na ang utang ng national government noong Hunyo 2026. Mas mataas ito ng P518.98 bilyon kumpara sa P18.546 trilyon noong Mayo at P17.267 trilyon noong Hunyo 2025.

Kasabay ng mabagal na 2.3% economic growth sa unang kalahati ng taon, umakyat sa 66% ng GDP ang debt-to-GDP ratio ng bansa—pinakamataas sa loob ng 22 taon mula nang maitala ang 71.6% noong 2004.

Sa projected debt para sa 2027, tinatayang P14.3 trilyon ang domestic debt habang P7.2 trilyon naman ang external debt, batay sa assumption na aabot sa P62 kada US dollar ang halaga ng piso sa pagtatapos ng taon.

Samantala, target ng national government na mangutang ng P3.304 trilyon sa 2027. Dito, P2.389 trilyon ang inaasahang kukunin sa domestic sources at P914.982 bilyon mula sa foreign sources.

Sa domestic borrowing program, kabilang ang P2.329 trilyon mula sa fixed-rate Treasury bonds at P60 bilyon mula sa Treasury bills.