Limang katao, kabilang ang dalawang miyembro ng Philippine Army at tatlong sibilyan, ang nasugatan matapos sumabog ang isang bagay na pinaniniwalaang hand grenade na inihagis sa isang military truck sa kahabaan ng national highway sa Roundball, Brgy. Mother Poblacion, Shariff Aguak, nitong Sabado ng umaga (Hulyo 18).
Batay sa paunang imbestigasyon ng Shariff Aguak Municipal Police Station, sakay ng isang KM truck ang mga tauhan ng 2nd Special Reaction Battalion (2nd SRB), 4th Special Reaction Company (4th SRC), First Scout Ranger Regiment (FSRR), Special Operations Command, Philippine Army (SOCOM, PA) at patungo sa Isulan para sa pamimili ng mga pangangailangan nang lapitan umano sila ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng isang itim na motorsiklo.
Ayon sa ulat, naghagis ang mga suspek ng isang bagay na pinaniniwalaang hand grenade patungo sa sasakyan ng mga sundalo bago mabilis na tumakas. Isang safety lever ng granada ang narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
Kabilang sa mga nasugatan ang dalawang sundalo na nagtamo ng mga shrapnel wound sa kaliwang binti at kaliwang gitnang daliri.
Sugatan din ang tatlong sibilyan, kabilang ang isang 24-anyos na mosque janitor mula sa Datu Hoffer, na nagtamo ng pinsala sa kaliwang paa, habang ang dalawa pa ay nagtamo ng mga sugat sa balikat, braso, at dibdib.
Agad na isinugod sa Bangsamoro Regional Hospital and Medical Center ang lahat ng mga biktima upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Matapos ang insidente, agad na isinara at siniguro ng mga pulis ang lugar, nagsagawa ng pagsusuri sa mga CCTV footage at area canvassing, at nakipag-ugnayan sa Provincial Explosive and Canine Unit, Provincial Forensic Unit, at mga karatig na lokal na pamahalaan para sa dragnet operations laban sa mga tumakas na suspek.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng pag-atake at ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek.













