-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na nananatiling mababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong taon, sa kabila ng mga naitatalang bagong impeksiyon sa ilang lugar sa Metro Manila.

Ayon sa DOH, umabot sa 70% ang ibinaba ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19. Mula sa 5,070 na naitalang kaso sa pagitan ng Enero 4 hanggang Hulyo 11, 2025, bumaba ito sa 1,532 sa kaparehong panahon ngayong taon.

Sa kabila nito, hinikayat ng ahensiya ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa mga pangunahing health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at iba pang respiratory illnesses.

Kabilang sa mga ipinapayo ng DOH ang regular na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig, pagtatakip ng bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing, at pagpapanatili ng maayos na personal hygiene.

Pinayuhan din ang mga nakararanas ng sintomas na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center o healthcare facility at sundin ang mga rekomendadong hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.

Naglabas ng pahayag ang DOH kasunod ng pagtaas ng mga bagong kaso sa ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila, kabilang ang Quezon City.

Samantala, ayon sa Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines, wala umanong dahilan para mabahala ang publiko dahil mas banayad o less severe ang mga naitatalang kaso sa kasalukuyan.