Nagluluksa ang marine science community sa pagpanaw ng kilalang marine biologist na si Dr. Kent Carpenter, kasabay ng panawagan ng iba’t ibang institusyon at environmental groups para sa masusing imbestigasyon sa kanyang pagpaslang.
Kinilala si Carpenter bilang isa sa mga nangungunang eksperto sa coral reefs at marine biodiversity sa Pilipinas. Ayon sa UP Marine Science Institute, malaki ang naging papel niya sa pagkilala sa bansa bilang “center of the center of marine shore fish biodiversity” sa buong mundo.
Isa rin siya sa mga pangunahing nagsulong ng pagkilala sa Verde Island Passage bilang National Protected Area at UNESCO World Heritage Site dahil sa natatangi nitong yamang-dagat.
Nanawagan si Protect VIP lead convenor Fr. Edwin Gariguez na matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng pamamaril. Aniya, inialay ni Carpenter ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa pagsusulong ng pangangalaga sa Verde Island Passage at iba pang mahahalagang marine ecosystem ng bansa.
Nagbigay rin ng pagpupugay ang Silliman University, kung saan nagsilbi siyang research associate sa loob ng halos limang dekada. Ayon sa unibersidad, malaki ang kanyang naiambag sa mga pag-aaral hinggil sa marine biodiversity, coral reef conservation, fisheries management, at marine pollution.
Kabilang sa kanyang mga naging proyekto ang Albatross Re-Collection Project, na nagsaliksik sa ebolusyon at kalagayan ng yamang-dagat sa Pilipinas, pati na rin ang pananaliksik sa epekto ng microplastics sa mga isda at iba pang lamang-dagat sa Negros Oriental.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, na nagsabing mananatiling buhay ang pamana ni Dr. Carpenter sa mga siyentipikong kanyang naging inspirasyon at sa mga yamang-dagat na kanyang tinulungang maprotektahan.
Bukod sa kanyang mga pananaliksik, nagsilbi rin si Carpenter bilang scientific adviser ng Pilipinas sa arbitration case kaugnay ng West Philippine Sea, kung saan nagbigay siya ng mahahalagang ulat at ebidensiya tungkol sa kalagayan ng mga coral reef sa nasabing karagatan. Aktibo rin siyang nagsagawa ng mga pag-aaral sa Tubbataha Reefs Natural Park.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo at mga responsable sa pagpatay sa kilalang marine scientist.












