KORONADAL CITY – Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng dalawang pulis na nasawi sa pananambang ng mga armado sa Barangay Tinumiguis, Lambayong, Sultan Kudarat kagabi, Hulyo 7,2026.
Ito ang inihayag ni Jurgy Bullos, ama ni Patrolman Joerel Bullos, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal matapos mapatay sa pananambang ang kanyang anak at kasamahang si Patrolman Apollo Pagurayan.
Ayon kay Bullos, nitong Martes ng gabi lamang nila nalaman ang malagim na sinapit ng kanyang anak matapos ipaalam sa kanila ng mga kasamahan nito.
Dagdag pa ni Bullos, parehong nakamotorsiklo at naka-uniporme ang dalawang biktima patungo na sana sa trabaho nang tinambangan.
Ibinahagi din ng ama ni Patrollman Bullos na huli umano nitong nakauwi sa kanilang tahanan sa Barangay Cebuano, Tupi, South Cotabato noong Lunes bago muling bumalik sa kanyang duty.
Aniya, sa kabila ng pagiging abala sa serbisyo bilang miyembro ng 1202nd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 12, palagi umanong nangangamusta si Patrolman Bullos sa kanilang pamilya. Inilarawan niya ang kanyang anak bilang responsable, mapagmahal, at maalalahaning anak na hindi nakakalimot sa kanyang mga magulang at laging inuuna ang kapakanan ng kanilang pamilya.
Labis naman ang kanilang pagdadalamhati ng pamilya ng puntahan nila si Patrolman Bullos at datnan na lamang itong wala nang buhay. Dahil dito, umaasa ang kanilang pamilya na agad na maibibigay ang hustisya at mapaparusahan ang mga salarin.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga otoridad, magkasama sina Patrolman Bullos at Patrolman Apollo Pagurayan na sakay ng makaibang motorsiklo nang pagbabarilin sila ng hindi pa nakikilalang mga armadong salarin habang binabagtas ang kahabaan ng Barangay Tinumiguis noong Martes ng gabi, Hulyo 7, 2026.
Dahil sa tinamong maraming tama ng bala, kapwa sila idineklarang dead on arrival sa pagamutan.
Patuloy ang malalimang imbestigasyon at hot pursuit operation ng Philippine National Police (PNP).
Nakarekober ang mga imbestigador ng mga basyo ng bala at iba pang mahahalagang ebidensya mula sa pinangyarihan ng insidente, habang patuloy na inaalam ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin













