KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pamamaril na ikinasawi ng isang miyembro ng Provincial Security Unit (PSU) at kawani ng South Cotabato Provincial Capitol sa Sitio Atbangan, Barangay Tubeng, bayan ng Tupi, South Cotabato, ngayong umaga ng Miyerkules, Hulyo 8, 2026.
Kinilala ang biktima na si Thok Andalinog, nasa hustong gulang at residente ng Tupi, South Cotabato.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Tupi Municipal Police Station, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at papasok na sana sa kanyang trabaho nang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima at agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan, ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.
Nakarekober ng mga imbestigador ng ilang basyo ng bala na isasailalim sa forensic examination bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.
Patuloy PA na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pamamaslang, habang nagpapatuloy ang follow-up investigation at hot pursuit operation laban sa mga salarin.













