Humiling ang prosecution panel sa impeachment court na magpalabas ng subpoena laban kay Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Zuleika Lopez upang tumestigo kaugnay ng isa sa mga articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Prosecutor Terry Ridon, mahalagang maging testigo si Lopez sa usapin ng umano’y pagbabanta ni Vice President Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kabilang sa mga isyung tinatalakay sa impeachment proceedings.
Ipinaliwanag ni Ridon na si Lopez ay maaaring magbigay ng mahahalagang impormasyon kaugnay ng mga pangyayari noong Nobyembre 2024, nang magdaos ng press briefing ang Bise Presidente kung saan niya inihayag ang kontrobersyal na mga pahayag laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez.
Inihain ng prosecution ang kahilingan bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na maiprisinta ang mga testigo at ebidensyang susuporta sa mga reklamong nakapaloob sa articles of impeachment laban sa Bise Presidente. Nasa impeachment court na ang pagpapasya kung pagbibigyan ang hiling na ipatawag si Lopez upang tumestigo sa paglilitis.













