Patuloy na humahanga ang Filipina tennis sensation na si Alex Eala matapos nitong talunin ang world No. 2 na si Elena Rybakina sa straight sets, 7-5 at 6-4, upang makausad sa quarterfinals ng Berlin Open nitong Biyernes ng madaling araw, oras sa Pilipinas.
Naitala ni Eala ang kanyang unang panalo laban sa reigning Australian Open champion at nadagdagan pa ang listahan ng kanyang mga tagumpay kontra sa mga manlalarong kabilang sa top 10 ng world rankings.
Matatandaang tinalo ni Rybakina si Eala sa kanilang huling paghaharap sa Italian Open na ginanap sa clay court.
Gayunman, ibang Alex Eala ang ipinakita sa Berlin matapos ipagpatuloy ang kanyang impresibong kampanya sa grass court, kabilang ang pagkapanalo sa WTA 125 Birmingham Open noong nakaraang linggo.
Bilang isang wild card entry sa WTA 500 tournament, ipinamalas ni Eala ang mahusay na return game upang mapigilan ang malalakas na palo ni Rybakina sa buong laban.
Ayon kay Eala, ang pagiging matapang sa kanyang laro ang isa sa pinakamahalagang susi sa kanyang tagumpay.
Sa panalong ito, nagpapatuloy ang matagumpay na paglalakbay ni Eala sa Berlin Open habang target nitong mas malayo pang marating ang torneo.













