-- ADVERTISEMENT --

Isinusulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang mabilis na pagpasa ng dalawang magkatuwang na panukala sa Kamara na layong palawakin ang access ng publiko sa impormasyon at sugpuin ang pagkalat ng disinformation.

Ayon kay Yamsuan, na Vice-Chair ng House Committee on Public Information, mahalagang maisabatas ang Right to Information (RTI) bill at Anti-False Information (AFI) Act upang mapalakas ang transparency ng pamahalaan at maprotektahan ang publiko laban sa maling impormasyon.

Sa RTI bill, nakapaloob ang pagbuo ng independent commission at isang digital platform para sa mas madaling pagkuha ng mga dokumento ng gobyerno, pati na rin ang proteksyon para sa whistleblowers at parusa sa mga opisyal na haharang sa impormasyon.

Samantala, layon ng AFI bill na parusahan ang sadyang pagpapakalat ng pekeng balita, lalo na sa social media, habang pinananatili ang karapatan sa malayang pagpapahayag.

Giit ni Yamsuan, makatutulong ang mga panukalang ito upang mapalakas ang tiwala ng mamamayan sa mga institusyon at maprotektahan ang demokratikong proseso laban sa manipulasyon ng impormasyon.