Mariing tinutulan ng China ang planong maritime border negotiations sa pagitan ng Pilipinas at Japan, na layuning tukuyin ang hangganan ng kani-kanilang economic zones at continental shelves.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Mao Ning, itinuturing ng Beijing na iligal at walang bisa ang anumang “delimitation negotiations” na may kinalaman sa mga katubigang inaangkin din ng China.
Iginiit ng Chinese government ang kanilang mga karapatan sa exclusive economic zone at continental shelf sa mga katubigan sa silangan ng Taiwan, at sinabi na naghain na sila ng “solemn representations” o pormal na protesta sa Pilipinas at Japan.
Dumating ang pahayag matapos ianunsyo ng Maynila at Tokyo noong Huwebes ang pagsisimula ng pormal na pag-uusap para sa pagtatakda ng maritime boundaries sa pagitan ng dalawang bansa.
Kasabay nito ang state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan, kung saan nakipagpulong siya kay Japanese Prime Minister Sanae Takaichi upang talakayin ang pagpapalalim ng ugnayang pang-ekonomiya at pangseguridad ng dalawang bansa.







