Hinimok ng Department of Justice (DOJ) si singer-lawyer Jimmy Bondoc na ilahad na ang anumang impormasyong maaaring makatulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, na nahaharap sa umiiral na warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa DOJ, iniutos ni Justice Secretary Frederick Vida ang pagpapadala ng formal request kay Bondoc, na kasalukuyang legal counsel ni dela Rosa, upang makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagpapatupad ng ICC warrant.
Sinabi ni Vida na pagkakataon ito para kay Bondoc na tumulong sa legal na proseso at sa mga law enforcement agency sa wastong pagsisilbi ng warrant laban sa kanyang kliyente.
Iginiit din ng DOJ na hindi maaaring gamiting panangga ang attorney-client privilege kung ito ay magreresulta sa pagharang sa hustisya o pagtatago ng isang taong pinaghahanap ng batas.
Dagdag pa ng ahensya, mahalagang bahagi ng imbestigasyon at pagpapatupad ng batas ang pakikipagtulungan sa mga awtoridad habang nagpapatuloy ang proseso kaugnay ng kaso sa ICC.













