-- ADVERTISEMENT --

Ipinunto ni Batangas Representative Gerville Luistro na sapat na ang paghatol sa kahit isang impeachment article para mapatalsik sa puwesto at posibleng ma-disqualify sa anumang posisyon sa gobyerno si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, ang Senado na umuupo bilang impeachment court ang boboto sa bawat isa sa mga artikulo ng reklamo matapos mailahad ang ebidensya. Kabilang sa mga isyung tinatalakay ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, alegasyon ng panunuhol, hindi maipaliwanag na yaman, at mga banta na iniuugnay sa bise presidente.

Giit pa niya, kapag nakakuha ng 16 boto ang isang impeachment article—bilang kinakailangang two-thirds ng Senado—maituturing itong sapat para mahatulan ang isang impeachable official at maipataw ang parusang perpetual disqualification sa paghawak ng pampublikong posisyon.

Nilinaw din niya na kahit magbitiw sa puwesto si Duterte bago matapos ang proseso, dapat pa ring ituloy ang impeachment trial dahil nakataya pa rin ang isyu ng posibleng habambuhay na pagbabawal sa paghawak ng anumang tungkulin sa gobyerno.