-- ADVERTISEMENT --

Nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng panibagong oil price adjustment kung saan bumaba ang presyo ng diesel at kerosene habang bahagyang tumaas naman ang presyo ng gasolina.

Batay sa magkakahiwalay na abiso ng mga oil companies, magkakaroon ng rollback na P9.57 kada litro sa diesel at P13.30 kada litro sa kerosene. Samantala, tataas naman ng hanggang P0.47 kada litro ang presyo ng gasolina.

Ang naturang pagbabago sa presyo ay epektibo simula Mayo 12 hanggang Mayo 18, alinsunod sa monitoring at rekomendasyon ng Department of Energy.

Nauna nang inihayag ng mga industry source na posibleng umabot sa P4.00 kada litro ang dagdag-presyo sa gasolina habang maaari namang bumaba ng hanggang P8.00 kada litro ang diesel dahil sa pabago-bagong galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa DOE, malaking epekto sa presyo ng produktong petrolyo ang sitwasyon sa Gitnang Silangan, partikular ang mga kaganapang nakaaapekto sa suplay ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Matatandaang noong nakaraang linggo ay nagkaroon ng pagtaas na P2.21 kada litro sa gasolina at P2.66 kada litro sa diesel, habang bumaba naman ng P3.53 kada litro ang presyo ng kerosene.

Sa kabuuan, mula Enero hanggang Mayo 5, 2026, naitala na ang netong pagtaas na P46.44 kada litro sa gasolina, P51.82 kada litro sa diesel, at P54.46 kada litro naman sa kerosene.