-- ADVERTISEMENT --

Isang lalaki ang nasawi matapos mabundol ng isang eroplano ng Frontier Airlines sa runway ng Denver International Airport sa Amerika.

Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, bigla umanong tumawid ang lalaki sa runway habang umaandar ang Airbus A321 na nakatakda sanang bumiyahe mula Denver patungong Los Angeles.

Sakay ng eroplano ang 224 pasahero at pitong crew members nang mangyari ang insidente. Dahil dito, agad na ipinatigil ang lipad at inilipat sa ibang aircraft ang mga pasahero upang matuloy ang kanilang biyahe.

Narespondehan din ng mga bumbero at emergency personnel ang insidente matapos maiulat ang maliit na sunog sa bahagi ng cabin ng eroplano.

Hindi pa pinapangalanan ng mga awtoridad ang nasawing lalaki, ngunit pinaniniwalaang isa rin siyang empleyado ng paliparan. Patuloy namang iniimbestigahan ang buong pangyayari.