Posibleng makakuha ng malawak na suporta sa Kamara de Representantes ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay political analyst Professor Dennis Coronacion.
Ayon kay Coronacion, hindi bababa sa kalahati ng mga miyembro ng Kamara ang inaasahang boboto pabor sa pagpapatuloy ng impeachment trial, habang may posibilidad ding mas mataas pa rito ang magiging bilang ng susuporta.
Aniya, kapansin-pansin ang umano’y pagbabago ng tindig ng ilang mambabatas sa mga nakaraang buwan. Kung dati ay tila humihina ang suporta para sa impeachment complaint, lumalabas umanong nagbago ang ihip ng pulitika matapos ang serye ng deliberasyon ng House panel na tumalakay sa usapin.
Paliwanag pa ng political analyst, ang pagbabalik ng suporta mula sa mga kongresista ay maaaring magbigay-daan upang madaling makalusot ang reklamo sa mababang kapulungan at umusad sa pormal na paglilitis.
Nauna nang nagpahayag ang ilang lider ng Kamara na posibleng umabot sa 200 o higit pang mambabatas ang boboto pabor sa impeachment complaint laban kay Duterte—halos doble ng kinakailangang 106 boto upang maipasa ito para sa full trial.
Kung mangyayari ito, magiging isa ito sa pinakamalalaking bilang ng suporta para sa isang impeachment proceeding sa kasaysayan ng Kongreso, at maaaring magmarka ng panibagong yugto sa umiinit na political dynamics sa pagitan ng mga pangunahing personalidad sa pambansang pulitika.













