-- ADVERTISEMENT --

Iniulat ng Department of Energy na inaasahang bababa nang malaki ang presyo ng diesel at kerosene sa susunod na linggo, habang posibleng magkaroon naman ng bahagyang dagdag-presyo sa gasolina.

Batay sa apat na araw na monitoring ng Mean of Platts Singapore, tinatayang aabot sa halos P9 kada litro ang rollback sa diesel at nasa P12 kada litro naman sa kerosene. Sa kabilang banda, posibleng tumaas ng P1.60 hanggang P1.70 kada litro ang presyo ng gasolina.

Ayon kay Rino Abad, nagsisimula nang humupa ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan sa pandaigdigang merkado ng langis. Dahil dito, unti-unti nang bumabalik sa mas normal na market-based pricing ang mga produktong petrolyo.

Ipinaliwanag niya na mula sa dating pagtaas ng presyo ng langis sa pagitan ng $70 hanggang $95 kada bariles, inaasahang babalik ito sa karaniwang antas na nasa $55 hanggang $65 kada bariles.

Inaasahang iaanunsiyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na price adjustment sa Lunes, habang epektibo naman ito pagsapit ng Martes.