KORONADAL CITY – Sugatan at kasalukuyang ginagamot sa South Cotabato Provincial Hospital ang isang retired personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos itong barilin sa Purok Marcos, Brgy. Concepcion, Koronadal City ngayong araw, May 1.
Kinilala ang biktima na si Rommel Aguillar, nasa legal na edad at residente ng Tamnag, Lutayan, Sultan Kudarat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Kagawad Bobby Castillo ng Brgy. Concepcion, nangyari ang pamamaril bandang alas-12:40 ng tanghali habang lulan ng kanyang tricycle ang biktima kung saan bigla na lamang umanong sumulpot ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklo at sunod-sunod itong pinaputukan.
Sa kabila ng tinamong mga sugat, nagawa pang mapatakbo ng biktima ang kanyang tricycle patungo sa bahay ng isang kaibigan malapit sa lugar upang humingi ng saklolo.
Agad namang tumawag ng ambulansya ang mga residente na mabilis na nagdala kay Aguillar sa ospital.
Ayon kay Kagawad Castillo, siya na rin ang tumawag sa Koronadal City PNP upang maipaalam ang pangyayari.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad habang inaalam ang motibo sa likod ng pananambang.
Naglunsad na rin ng manhunt operation ang pulisya upang mahuli ang tumakas na suspek.













