Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ililipat na nila sa e-wallet transfers ang pamamahagi ng cash aid para sa mga benepisyaryo ng fuel subsidy, matapos ang insidente kung saan isang rider ang nasawi habang nakapila sa payout center sa Quezon City.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang susunod na mga distribusyon ay direktang ipapadala na sa e-wallet accounts ng mga transport network vehicle service (TNVS) at motorcycle taxi riders na kabilang sa listahan ng mga awtorisadong benepisyaryo.
Nilinaw rin ng kalihim na ang listahan ng mga tatanggap ng subsidiya ay mula sa isinumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na naglalaman ng mga lehitimong driver na kwalipikado sa programa.
Samantala, personal na bumisita si Gatchalian sa pamilya ng nasawing rider upang makiramay at magbigay ng tulong. Kabilang dito ang medical at burial assistance, pati na rin ang iba pang pangangailangan ng naiwang pamilya.












