Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang bagong bawas-presyo sa mga produktong petrolyo na inaasahang ipatutupad ngayong linggo. Ayon sa mga pagtataya, bababa ang presyo ng diesel ng halos Php 24.94 kada litro, Php 3.41 naman sa gasolina, at Php 2.00 sa kerosene.
Kapag naisakatuparan na ang bawas-presyo, ang presyo ng diesel ay magiging Php 107.40 kada litro, habang ang gasolina ay posibleng maging Php 92.20, at ang kerosene naman ay aabot na lamang sa Php 138.87.
Sinabi ng Pangulo na mas mataas ang rollback na ito kumpara sa mga nakaraang bawas-presyo at inaasahan niyang magbibigay ito ng ginhawa sa publiko. Kasabay nito, hinimok niya ang mga oil companies na tiyaking maipatupad nang buo, tumpak, at walang pagkaantala ang mga rollback sa presyo ng langis.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo ng rollback matapos ang serye ng pagtaas ng presyo ng langis kasunod ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran noong Pebrero, na nagkaroon ng epekto sa presyo ng langis.
Hinihikayat din ng Pangulo ang publiko na ireport sa Office of the President at Department of Energy (DOE) ang anumang paglabag sa implementasyon ng mga presyo upang agad itong maaksyunan.
Samantala, ipinagpatuloy ng gobyerno ang mga hakbang upang matulungan ang sektor ng transportasyon, kabilang na ang Php 10 fuel subsidy para sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) at ang Service Contracting Program.
Nagpatupad din ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) ng tatlong buwang extension sa validity ng driver’s license, student permit, conductor’s license, at rehistro ng sasakyan na mag-e-expire ngayong Abril 2026. Wala ring ipapataw na multa o surcharge sa loob ng extension period.
Ayon sa Pangulo, layunin ng mga hakbang na ito na mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa kabuhayan ng mga Pilipino.













