Bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado matapos ipahayag ng Iran na bukas na muli ang Strait of Hormuz para sa mga commercial ships na dumaraan dito.
Batay sa mga ulat, bumagsak sa humigit-kumulang $88 kada bariles ang Brent crude mula sa higit $98 noong Sabado (oras sa Pilipinas). Ang Strait of Hormuz ay isang kritikal na ruta na dinadaanan ng halos 20% ng suplay ng langis at liquefied natural gas sa buong mundo.
Ayon kay Abbas Araghchi, pinapayagan ang lahat ng commercial vessels na dumaan habang umiiral ang ceasefire sa rehiyon.
Dahil dito, nagkaroon din ng pag-angat sa mga stock market sa United States at Europe. Kabilang sa tumaas ang S&P 500, Nasdaq, at Dow Jones na umangat ng mahigit 1%, habang ang mga merkado sa Europa tulad ng DAX sa Germany at CAC 40 sa France ay tumaas ng higit 2%.
Matatandaang sumirit ang presyo ng langis sa mga nakaraang linggo dahil sa tensyon sa pagitan ng Iran at Israel, kung saan umabot ito sa higit $100 kada bariles at minsan pang lumagpas sa $119.
Sa kabila ng pagbubukas ng ruta, nananatiling maingat ang ilang shipping companies at mas pinipiling maghintay muna bago dumaan sa naturang lugar dahil sa patuloy na alalahanin sa seguridad.
Ayon naman sa ilang analyst, maaaring manatiling pabago-bago ang presyo ng langis hangga’t hindi pa ganap na nagiging matatag ang sitwasyon sa rehiyon.













