Ikinagalak ni Faustino Dy III ang ipinatupad na rollback sa presyo ng langis na inanunsyo ni Ferdinand Marcos Jr., na aniya’y agad na makatutulong sa pagpapagaan ng gastusin ng publiko at sa pagpigil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Dy, ang bawas na ₱20.89 sa diesel, ₱4.43 sa gasolina, at ₱8.50 sa kerosene ay inaasahang magbibigay-ginhawa sa mga sektor ng transportasyon, agrikultura, at logistics.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng maayos na ugnayan ng ehekutibo at lehislatura upang masiguro na mararamdaman ng mga pamilyang Pilipino ang benepisyo nito, lalo na pagdating sa presyo ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan.
Dagdag pa niya, kinakailangan ang tuloy-tuloy na pagkilos ng pamahalaan. Aniya, dapat masundan ang mga hakbang ng ehekutibo ng mga panukalang magpapalakas sa supply chain, magpapababa sa gastos sa logistics, at magpoprotekta sa mga konsyumer.
Ipinunto rin ni Dy na nagpapatuloy ang hakbang ng Kamara sa pamamagitan ng LEAD hearings at panukalang KALINGA bill upang mapanatiling mababa ang gastos at mapangalagaan ang kapakanan ng publiko.













