-- ADVERTISEMENT --

Nagpaalala si Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na iwasan ang pag-iimbak o hoarding ng diesel, lalo na sa gitna ng kasalukuyang isyu sa suplay ng langis.

Ayon sa Pangulo, tanging ang mga may lehitimong pangangailangan lamang ang dapat pahintulutang mag-stock ng gasolina, kabilang ang mga mangingisda, operator ng marine equipment, mga ospital, at iba pang umaasa sa generator set para sa kanilang operasyon.

Mariin din niyang kinondena ang mga insidente ng pagnanakaw ng gasolina at iba pang iregularidad na may kaugnayan sa langis. Aniya, nakababahala at hindi katanggap-tanggap na may ilang indibidwal na sinasamantala ang sitwasyon para sa pansariling interes.

Kabilang sa mga naiulat ang isang motorista na tumakas matapos magpakarga ng gasolina nang hindi nagbabayad, gayundin ang ilegal na paglilipat ng diesel patungo sa pribadong sasakyan.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang panganib ng hindi tamang pag-iimbak ng diesel, na maaaring magdulot ng sakuna sa komunidad. Kaya naman hinikayat niya ang lahat na unahin ang kaligtasan at iwasan ang anumang gawain na maaaring magbanta sa kapwa.