-- ADVERTISEMENT --

Nakahanda na ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) para sa inaasahang pagbabalik ng mga biyahero ngayong linggo matapos ang pagdiriwang ng Holy Week.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., iniutos na niya sa lahat ng mga police commanders na tiyakin ang matatag at aktibong presensya ng mga pulis sa mga pangunahing kalsada at mga transportation hubs upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero.

Dagdag pa ni Nartatez, naging mapayapa ang buong Holy Week exodus. Bagamat may ilang naitalang insidente ng pagkalunod at aksidente sa kalsada, tiniyak naman niyang walang malalaking insidente na nakaapekto sa kabuuang seguridad at paghahanda sa buong Semana Santa.

Sa kabila nito, mananatiling nakataas ang alerto ng PNP upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero na magbabalik sa kanilang mga tahanan.

Samantala, mananatili ang higit sa 98,000 na mga pulis sa kanilang mga deployment, na nakatutok sa pagpapatupad ng seguridad sa mga pook-pasyalan, pangunahing lansangan, at iba pang mga lugar na dinarayo ng publiko.