Nagpapatuloy ang ginagawang hot pursuit operations ng mga kapulisan laban sa mga tumakas na suspek, habang patuloy rin ang imbestigasyon upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan at ang motibo sa krimen matapos ang nangyaring pananambang na naganap bandang alas-9:10 ng gabi sa Barangay Mother Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur. Kung saan limang kapulisan ang nasawi habang tatlo ang sugatan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Patrolman Kenneth Perocho, Patrolman Al-Fatah Marohom, Patrolman Amil Bangsa, Patrolman Arsenal Sivih, at Patrolman Sayed Ridwan.
Samantala, sugatan naman sina Police Lieutenant Alfred Gregory, Police Staff Sergeant Adam Kansi, at Patrolman Abubakar Lauban.
Batay sa paunang ulat, lulan ang mga pulis ng kanilang PNP mobile car (body number 767) at pabalik na sana sa kanilang himpilan sa Camp Datu Akilan matapos magsagawa ng patrol sa bayan ng Shariff Aguak.
Bigla na lamang silang pinaputukan ng mga hindi pa nakikilalang suspek pagdating sa lugar. Ayon sa ulat, nakipagpalitan pa ng putok ang mga pulis habang papalayo sa pinangyarihan ng insidente at agad na nagtungo sa Maguindanao del Sur Provincial Hospital para sa agarang lunas.
Mariing kinondena naman ng Bangsamoro Government ang nangyaring pananambang sa mga pulis at nagbibigay sila ng pakikiramay.













