Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang pangunahing pagkain pagsapit ng buwan ng Agosto, sa kabila ng pagtitiyak na sapat ang suplay ng bansa sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang inaasahang pagmahal ng bilihin ay direktang epekto ng pagsirit ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na pinalala pa ng tensyon sa Middle East.
Ipinaliwanag ng kalihim na hindi maiiwasan ang pagtaas ng presyo kung magpapatuloy ang krisis, dahil tumataas din ang gastos sa pataba, transportasyon, at logistics, na papasanin ng sektor ng agrikultura.
Nilinaw ng DA na nananatiling matatag ang pangkalahatang suplay ng bigas sa merkado. May sapat ding buffer stock ang National Food Authority (NFA) sakaling kailanganin.
Bilang hakbang upang maibsan ang pasanin ng mga magsasaka at mangingisda, tiniyak ng pamahalaan na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng subsidy at tulong pinansyal sa mga apektadong sektor.













