-- ADVERTISEMENT --

Tahasang inilarawan ni Representative Leila de Lima bilang isang pambabastos sa Konstitusyon at posibleng betrayal of public trust ang hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment case laban sa kanya.

Ayon kay De Lima, nakakadismaya ang lantarang pagbalewala ng respondent sa komite. Giit ng mambabatas, kahit hindi makadalo ang Bise Presidente, inaasahan sana na magpadala ang kanyang kampo ng pormal na manipestasyon bilang paggalang sa proseso.

Nilinaw din ni De Lima ang kalikasan ng kasalukuyang hakbang ng Kamara. Aniya, mali na isipin na ito ay full-blown trial on the merits, dahil ito ay kahalintulad pa lamang ng isang preliminary investigation.

Binigyang-diin niya na sa yugtong ito, nananatili ang right to counsel, gayundin ang karapatang humarap at magbigay ng clarificatory questions ang respondent. Upang patibayan ang kanyang punto, sinipi niya ang pananaw ni dating Supreme Court Justice Noel Tijam hinggil sa obligasyon ng mga opisyal sa ganitong uri ng imbestigasyon.

Matatandaang inaasahan sana ang pagharap ni Duterte upang sagutin ang mga batayan ng reklamo sa antas ng komite. Subalit, ang hindi pag-apela nito ay nagdulot ng tensyon sa pagdinig.

Ayon kay De Lima, ang ganitong mindset at saloobin ay lalo lamang nagpapakita ng kawalan ng respeto sa pormal na proseso ng impeachment.