Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa pamahalaan na makinig at agarang magpatupad ng solusyon sa mga hinaing ng transport sector, na patuloy na nahihirapan dulot ng mataas na presyo ng langis. Ayon sa senador, habang dumarami ang mga komyuter na umaasa sa pampublikong transportasyon, patuloy naman ang pagbaba ng bilang ng mga pampasaherong sasakyan o public utility vehicles (PUVs) na bumibiyahe dahil sa patuloy na pagkalugi ng mga tsuper.
Binanggit ni Hontiveros na hindi sapat ang mga pansamantalang hakbang tulad ng suspensyon ng excise tax at nanawagan siya ng mas konkretong solusyon upang matugunan ang mga pangangailangan ng sektor. Ipinunto rin ng senador na bagama’t kinikilala ang P5,000 transport subsidy, hindi pa rin ito sapat, lalo na’t umaabot na sa tinatayang ₱1,000 ang arawang lugi ng isang modern jeepney unit.
Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1986, iminungkahi ng senador ang ₱52.8 bilyong subsidy package na magsisilbing tulong sa mga tsuper ng PUV, delivery riders, at TNVS drivers. Kasama sa package ang ₱12 bilyon na nakalaan para sa transport subsidy.
Ayon pa kay Hontiveros, kailangan ding suportahan ang mga transport cooperatives at palawakin ang service contracting program upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga tsuper. Mahalaga rin aniyang pabilisin ang pamamahagi ng ayuda at alisin ang mga hadlang tulad ng “first owner” rule na nagpapahirap sa maraming operator.
Giit ng senador, kailangan ng agarang aksyon mula sa pamahalaan upang maiwasan ang mas malalang epekto sa transport sector at sa presyo ng mga bilihin.













