Inanunsiyo ng Department of Energy (DOE) ang bagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo na magsisimula bukas, Martes, Marso 24.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, magkakaroon ng umento na P6.47 kada litro ang presyo ng gasolina.
Sa diesel, tataas naman ang presyo ng P11.88 kada litro, habang sa kerosene, magpapatupad ng dagdag na P13.66 kada litro.
Sa kabila ng nakatakdang taas-presyo, ipinaliwanag ng kalihim na bahagyang kumalma ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado, kung saan mas kaunti ang mga pagtaas kumpara sa mga nakaraang araw.
Patuloy din ang panawagan ng Energy Department sa mga kumpanya ng langis na magpatupad ng staggered o dahan-dahang umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Bagamat may mga kumpanya na hindi kayang magpatupad ng unti-unting pagtaas ng presyo ng langis dahil mawawalan sila ng kita dahil sa araw-araw na pagbabago ng presyo dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, tiniyak ni Sec. Garin na magtatagal pa hanggang unang linggo ng Mayo ang fuel stockpile, kasabay ng pagdating ng mas maraming deliveries.













