-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na posibleng maipasa ngayong linggo ang panukalang naglalayong ilipat at isagawa sa Setyembre 14 ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, naniniwala ang komisyon na bago pa mag-adjourn ang kongreso ay maipapasa na ang panukala, na magbibigay-daan upang tuluyang maisakatuparan ang eleksyon sa rehiyon.

Aniya, pinagtibay na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isyu bilang isang urgent matter, kaya nararapat lamang na mabigyan agad ito ng aksyon.

Matatandaan na parehong inaprubahan ng mataas at mababang kapulungan ang panukala sa pangatlo at huling pagbasa nito upang ipagpaliban ang parliamentary elections.

Samantala, inihayag din ng komisyon na handa ang kanilang tanggapan para maserbisyuhan ang hindi bababa sa 2.3 milyong rehistradong botante sa BARMM sa darating na eleksyon.