Naglabas ng show cause order ang Department of Energy (DOE) laban sa 54 na gasolinahan dahil sa umano’y hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo sa gitna ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Kinumpirma ito ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa mga mamamahayag na kasama sa working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Estados Unidos.
Nagbabala rin ang opisyal ng Malacañang sa mga negosyanteng sinasamantala ang kasalukuyang sitwasyon, at sinabing maaari silang maharap sa kaso at mawalan ng karapatang magnegosyo.
Samantala, sinabi naman ni Department of Energy Secretary Sharon Garin na magsasampa ng kaso ang ahensya laban sa nasabing 54 na gasolinahan.
Partikular na tinutukoy ng DOE ang mga sangkot sa hoarding o pagtatago ng suplay ng petrolyo, na ayon sa kalihim ay nagdudulot ng malaking abala at pasanin sa mga mamamayan. Dagdag pa niya, bukod sa pagsasampa ng kaso ay maaari ring ipasara ng DOE ang mga mapapatunayang lumabag.













