Natuldukan na ang kumalat na maling impormasyon na tumakas ang Kapitan ng M/V Trisha Kerstin 3 nang lumubog ang barko noong Enero.
Ito ay matapos makumpirma na kabilang siya sa mga nasawi sa trahedya. Ayon sa mga otoridad, isa sa pitong bangkay na narekober mula sa barko ay nakilalang si Kapitan Sonie Secuban, ang kapitan ng M/V Trisha.
Natukoy ito sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga police forensic experts gamit ang DNA samples mula sa mga kaanak ni Secuban, at lalo pang nakumpirma nang ikumpara sa DNA ng anak ng kapitan.
Bago itigil ang diving operations sa lumubog na barko, umabot sa 65 ang bilang ng mga bangkay na narekober, habang 293 ang nakaligtas at 14 pa ang nananatiling nawawala.
Ang pagkakakilanlan kay Kapitan Secuban ay nagbigay-linaw sa mga maling impormasyon na kumalat matapos ang insidente at nagpatunay ng bigat ng trahedya na tumama sa daan-daang pasahero ng M/V Trisha Kerstin 3.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagsisiyasat ukol sa mga opisyal na may kinalaman sa paghahanda ng mga dokumento ng barko at sa pagpayag nitong maglayag, upang matukoy ang mga posibleng pananagutan at pagkukulang na nagdulot ng insidente.













