-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag ng dating kampeon sa boksing ng Estados Unidos na si Floyd Mayweather Jr. na mayroon pa siyang ilang laban bago ang inaabangang muli nilang paghaharap ni Manny Pacquiao.

Ayon sa 48-anyos na boksingero, isa sa kanyang makakalaban sa isang exhibition match ay ang dating heavyweight champion na si Mike Tyson. Nakatakdang ganapin ang laban nila sa darating na Abril 25.

Makalipas naman ang dalawang buwan, muling aakyat sa ring si Mayweather upang harapin ang Greek kickboxer na si Mike Zambidis sa isa pang exhibition fight na gaganapin sa Athens, Greece sa Hunyo.

Ang 45-anyos na si Zambidis ay isang 18-time world champion sa kickboxing na nagretiro na may rekord na 157 panalo at 24 na talo.

Ang dalawang exhibition fights na ito ay magsisilbing paghahanda ni Mayweather bago ang planong laban nila ni Pacquiao sa Setyembre 19.

Hindi na rin bago kay Mayweather ang mga exhibition match. Matapos ang kanyang huling professional fight laban kay Conor McGregor noong 2017, nakaharap na niya sa mga exhibition bouts sina Japanese kickboxing star na si Tenshin Nasukawa noong 2018 at ang Logan Paul, isang WWE personality, noong 2021. 🥊