-- ADVERTISEMENT --

Pormal nang nagpadala ng Notice to Respondent ang House Committee on Justice kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng dalawang beripikadong reklamong impeachment laban sa kanya.

Sa abisong may petsang Marso 4, 2026, ipinadala ito sa Office of the Vice President sa Mandaluyong City at inatasan si Duterte na magsumite ng kanyang verified answer sa loob ng 10 araw na hindi maaaring palawigin, alinsunod sa mga patakaran ng Kamara sa impeachment proceedings.

Ayon sa komite na pinamumunuan ni Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, nakitang sapat sa nilalaman (sufficient in substance) ang mga inihain na reklamong impeachment.

Ang dalawang reklamo ay inihain nina Joel Saballa at Atty. Nathaniel G. Cabrera.

Binalaan din ng komite na kung hindi magsusumite ng sagot sa itinakdang panahon, ituturing itong pagwawaksi sa karapatang sumagot at ipapalagay na pangkalahatang pagtanggi sa mga alegasyon.

Sa kasalukuyan, natanggap na ng Office of the Vice President ang naturang abiso bandang 10:44 ng umaga nitong Marso 5, 2026.

Ayon sa patakaran ng Kamara, kinakailangang magsumite muna ng verified answer ang respondent bago magpatuloy ang komite sa susunod na yugto ng deliberasyon sa mga reklamong impeachment.