Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pamamaril na ikinasawi ng isang guro habang bumibili ng pagkain para sa iftar sa pampublikong pamilihan sa Barangay Kauran, Ampatuan, Huwebes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si alyas “Mama,” isang guro at residente ng Barangay Malibpulok, Rajah Buayan.
Dead on the spot ang biktima matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa katawan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, dakong alas-5:30 ng hapon nang dumating ang biktima sa pamilihan sakay ng kaniyang itim na Yamaha Mio motorcycle upang bumili ng pagkain para sa iftar o ang hapunang nagtatapos sa araw ng pag-aayuno ngayong banal na buwan ng Ramadan.
Habang abala umano sa pagbili ng pagkain, bigla na lamang umanong nilapitan ng hindi pa nakikilalang armadong suspek ang biktima at pinagbabaril ito nang malapitan.
Agad na bumagsak ang guro at nasawi bago pa man mabigyan ng anumang tulong medikal.
Patuloy naman ang PNP sa paghahanap ng mga ebidensya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa krimen.
Nanawagan naman ang pamilya ng biktima sa mga awtoridad na mapabilis ang imbestigasyon at maihatid sa hustisya ang responsable sa krimen.













