BAGUMBAYAN, SULTAN KUDARAT – Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang isang Chinese national at apat pang indibidwal matapos maaresto sa magkahiwalay na law enforcement operations kaugnay ng ilegal na pagmimina at paglabag sa batas sa pag-iingat ng mga pampasabog sa Sitio Macao, Barangay Bai Saripinang.
Unang ikinasa ang operasyon alas-10:30 ng umaga noong Pebrero 19, 2026, kung saan ipinatupad ang Cease and Desist Order laban sa mga sangkot sa ilegal na pagmimina sa isang bulubunduking lugar na nasa tinatayang 50 kilometro mula sa bayan.
Pinangunahan ito ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), katuwang ang Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 12, National Bureau of Investigation (NBI) Region 12, Alpha Company ng 37th Infantry Battalion ng Philippine Army, Sultan Kudarat Police Mobile Force Company, at Bagumbayan Municipal Police Station.
Naaktuhan ng mga operatiba ang limang lalaki habang nagsasagawa umano ng ilegal na pagmimina.
Kinilala ang mga ito sa mga alyas na Ralf, Archie, Marwin, Darwin, at ang Chinese national na si Liu Shuling kung saan nakumpiska rin ang iba’t ibang kagamitan sa pagmimina na agad dinala sa tanggapan ng DENR para sa tamang disposisyon.
Ang mga naaresto ay dinala sa Bagumbayan Municipal Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.
Samantala, alas-6:00 naman ng gabi noong Pebrero 20, 2026, nagsagawa ng hiwalay na Search Warrant Operation sa parehong lugar laban kay alyas Nene na kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Sa bisa ng Search Warrant na inilabas ni Acting Presiding Judge Felix F. Mesa ng Regional Trial Court Branch 20 sa Tacurong City, pinangunahan ng Bagumbayan Police, kasama ang Sultan Kudarat Provincial Explosive Canine Unit at 37th Infantry Battalion, ang paghahalughog sa lugar.
Sa operasyon, nasamsam ang labindalawang sako ng Ammonium Nitrate Fuel Oil (ANFO), 54 na piraso ng non-electric blasting caps, at isang rolyo ng commercial safety fuse na may tinatayang habang 750 metro.
Ang mga nakuhang pampasabog ay isinuko sa Sultan Kudarat Provincial Explosive Canine Unit para sa tamang disposisyon.
Patuloy naman ang paghahanap kay alyas Nene habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives laban sa kanya.
Sa ngayon, mas pinaigting pa ng mga awtoridad ang operasyon laban sa ilegal na pagmimina at iba pang kaugnay na ilegal na aktibidad sa lugar.













