KORONADAL CITY – Nagresulta sa pagkamatay ng tatlong indibidwal ang pagbangga ng motorsiklo na sinasakyan ng mga ito sa poste ng ilaw sa center island ng National Highway, Purok Paglaum, Barangay Carpenter Hill, Koronadal City madaling-araw ng Pebrero 19, 2026.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang ala-1:30 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa harap ng isang pribadong residence sa lugar.
Sangkot sa aksidente ang isang kulay itim na Euro 150 motorcycle na walang plaka at sakay ang tatlong residente ng Barangay Saravia, Koronadal City.
Kinilala ang driver na si Christopher Kongkong, 24 anyos habang ang mga angkas nito ay sina John Sebastian, 21 anyos, at Eskar Engkong, 23 anyos.
Sa paunang imbestigasyon, binabagtas ng motorsiklo ang naturang kalsada mula Koronadal City patungong Tupi, South Cotabato nang bigla umanong mawalan ng kontrol ang driver. Pumaling sa kanan ang motorsiklo at bumangga sa steel post ng ilaw sa center island.
Isinugod pa sa South Cotabato Provincial Hospital ang tatlong biktima ngunit idineklara silang dead on arrival ng attending physician bandang ala-2:50 ng madaling-araw ng parehong araw.
PSa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa panibagong aksidente sa lugar.













